MANILA, Philippines - Hindi pa maidedetine sa ordinaryong kulungan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo makaraang katigan ng Pasay City Regional Trial Court ang pananatili nito sa Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa kundisyon ng kanyang kalusugan.
Sa kautusang inilabas ni Pasay RTC branch 112 Judge Jesus Mupas, kailangang ipagpatuloy pa ni Pampanga 2nd district Rep. Arroyo ang pagpapagamot nito sa VMMC upang ganap na gumaling sa karamdaman. Inatasan rin nito ang mga doktor ng mambabatas sa VMMC na magbigay ng buwanang medical report sa korte upang mamonitor ang kalagayan ng kalusugan nito.
Ang naturang desisyon ay makaraang magsumite pa ng “supplemental motion” si Atty. Benjamin Santos sa kahilingan na manatili ito sa VMMC dahil sa may karapatan ito na bigyan ng proteksyon ng estado bilang dating Pangulo ng bansa.
Kung ililipat ang dating Pangulo sa regular na kulungan, manganganib ang personal na seguridad nito at kalusugan dahil sa napakasamang kundisyon ng mga kulungan ngayon sa bansa.
Sinusugan nito ang medical reports na inilabas ng mga manggagamot ng VMMC na kinakailangan pang dumaan sa 4 na linggong rehabilitasyon si Arroyo dahil sa kundisyon ng gulugod nito.