Napagalitan ng magulang 13-anyos nagbigti sa puno

MANILA, Philippines - Patay ang isang 13-anyos na batang lalaki makaraang magbigti sa sarili sa isang puno matapos na pagalitan umano ng kanyang magulang dahil sa hindi pagpasok sa eskwela sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) si Joshua James To y Macalalad, ng Richland Avenue, Tandang Sora sa lungsod ay natuklasan na lang na kanyang pinsang si Jovert To habang nakabigti sa puno ng santol ganap na alas-7 ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni PO1 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa gilid ng SVP warehouse malapit sa bahay ng biktima.

Diumano, papasok sana ang biktima nang magpasya itong magbigti gamit ang strap ng kanyang bag na itinali sa puno ng santol.

Sinasabing napagalitan umano ang biktima ng kanyang magulang dahil ayaw pumasok, kung saan panay bagsak umano ito sa subject sa paaralan.

Gayunman, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU upang matukoy ang ugat ng pagpapakamatay ng biktima.

Show comments