MANILA, Philippines - Nagbigay ng babala ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa publiko na huwag ng magulat kung lalu pang lumaki ang singil sa kuryente ngayong Pebrero.
Sa isang press conference sa QC, sinabi ni ERC executive director Francis Juan, magtataas ng generation charges ng 11 sentimo kada kilowatt per hour ang Meralco. Ibig sabihin nito madaragdagan ng P22 sa buwanang singil ang kumukunsumo ng 200 kilowatt hours, P55 naman sa kumukunsumo ng 500 kwh.
Paliwanag pa ni Juan, tumaas kasi ang nabiling kuryente ng mga distribution utility mula sa generation company gaya ng National Power Corp. (Napocor).
Nilinaw naman ng ERC na hindi nila inaprubahan ang nasabing pagtaas bagkus, pribilehiyo ito ng mga electric company para mabawi ang kanilang distribution utility cost.
May sinusunod umanong pormula ang mga distribution utility gaya ng Meralco sa pagtataas ng generation charges.
Kada tatlong taon naman sinusuri ng ERC kung hindi nagmamalabis ang mga electric company gaya ng Meralco sa pagtataas ng singil sa kuryente gamit ang generation charges.