16-libo Pinoy ligtas sa Syria
MANILA, Philippines - Ligtas ang mahigit 16,000 Pinoy sa Syria kasunod ng muling pagsiklab ng karahasan doon kung saan umaabot sa mahigit 200 katao ang inulat na nasawi.
Dahil dito, muling nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy sa Syria na lumikas na alinsunod sa ipinatutupad na alert level 4 o mandatory evacuation ng pamahalaan sa nasabing bansa.
Sa nasabing casualties, sinabi ni DFA Spokesman Raul Hernandez na walang Pinoy ang nasaktan o nasawi sa insidente.
Sinabi ni Hernandez na mula sa tinatayang 17,000 overseas Filipino workers na karamihan ay undocumented, 700 lamang dito ang nailikas at napauwi na sa Pilipinas simula nang itaas ang crisis alert sa Syria.
Base sa report ng Syrian Observtory for Human Rights, maraming namatay sa Homs matapos umanong muling umatake ang security forces ni Syrian President Bashar Assad.
Samantala, matapos ang naging botohan sa United Nations Security Council sa isang resolusyon laban kay Assad ay muling nag-veto ang China at Russia pabor sa nasabing pinatatalsik na Syrian president.
Sa naturang UN resolution, may 13 miyembro nito ang pumabor habang ang China at Russia ay nag-veto upang maharang ang pagpapatupad nito dahil hindi umano ito patas sa panig ni Assad.
Nakapaloob sa resolusyon ang pagsuporta sa naging panawagan ng Arab League na magkaroon na ng kalayaan ang mamamayan ng Syria at ipasa ni Assad ang kanyang kapangyarihan at puwesto.
Umaabot na sa 10 buwan ang matinding karahasan sa Syria kung saan libu-libo ng demonstrador ang napapatay ng security forces ni Assad na nagpupumilit na hindi maagaw ang kanilang kontrol.
- Latest
- Trending