MANILA, Philippines - Pinatawan ng 90-days suspension ng 4th division ng Sandiganbayan si Presidential Adviser on Environmetal Concerns at Laguna Lake Development Authority (LLDA) administrator Neric Acosta dahil sa kasong graft na isinampa ditto.
Siniguro naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na ipapatupad ng Malacañang ang ipinataw na parusa kay Sec. Acosta.
Ayon kay Sec. Valte, nagpahayag na rin si Acosta na susundin nito ang ipinataw na parusa sa kanya ng korte.
Naunang ipinagmalaki ni Acosta na hindi siya puwedeng suspendihin dahil siya ay appointed ni Pangulong Benigno Aquino III at kapag sinuspinde siya ay parang sinuspinde raw ng korte ang Pangulo.
Magugunitang si Acosta ay sinampahan ng kaso kaugnay sa sinasabing maling paggamit sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng P2.5 milyon noong March 3, 2001 habang kongresista pa ito ng Bukidnon.
Liban sa nabanggit na kaso, nahaharap din si Acosta sa kasong graft dahil sa umano’y paglipat ng P2.5 na pondo sa Bukidnon Integrated Network of Home Industries (BINHI) Inc., isang pribadong kooperatiba at P5.5 million naman sa Bukidnon Vegetable Producers Cooperative (BVPC), na isa ring private entity.
Sinasabing ang kanyang ina na si dating Manolo Fortich Mayor Socorro Acosta ay miyembro at director ng BVPC habang ang tiyahin na si Ma. Nemia Bornidor naman ay miyembro ng board ng BINHI.