MANILA, Philippines - Kakulangan sa mga kagamitan ang pangunahing dahilan kung bakit hindi asintado o bagsak sa ‘target proficiency’ ang mga pulis.
Sa panayam ng PNP Press Corps, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jessie Robredo na tanggap nilang may problema sa ‘proficiency’ o kasanayan sa pag-asinta sa target na mga kriminal, terorista at iba pang kalaban ng batas ang mga pulis pero hindi naman akma na husgahan ang buong kapulisan sa problema sa naturang aspeto.
Ginawa ni Robredo ang reaksyon sa gitna na rin ng suhestiyon at panunuya ng mga kritiko na bolo o itak na lamang ang ipagamit sa mga pulis na palpak sa pagbaril dahil sablay o hindi naman umano makatama ang mga ito sa target na mga kalaban.
Una nang umani ng mga pagbatikos ang PNP dahil sa kapalpakan sa pag-asinta ng ilang pulis sa hinahabol na kriminal na may mga pagkakataon pang mga sibilyan sa halip na mga suspek tulad ng mga holdaper ang nababaril.
Sinabi ni Robredo na patuloy ang isinasagawang pagsasanay sa mga pulis sa ‘markmanship’ o pag-asinta sa mga target.
Bagaman may service firearms ang mga pulis na cal. 9mm ay kulang naman ang mga ito sa bala para makapagpraktis dahil nga sa kakulangan ng pondo. Ang iba naman lalo na sa mga kanayunan ay sila mismo ang bumibili ng kanilang mga armas.