MANILA, Philippines - Hindi maituturing na discount ang napaulat na P10 milyon na ibinigay ng Megaworld para sa penthouse unit ni Chief Justice Renato Corona sa Bellagio kundi “reduced priced” matapos itong ma-damage ng bagyo noong 2008.
Ayon kay Noli Hernandez, senior vice president for marketing and sales ng Megaworld sa pagpapatuloy ng impeachment trial kay Corona, bago nabili ng mga Corona ang pinakamataas na penthouse unit o 38-B ng Bellagio na nasa Taguig City noong 2008, nagkaroon ito ng damage matapos pasukin ng tubig dahil sa malakas na bagyo.
Ang regular na selling price umano sa penthouse unit sa Bellagio ay umaabot sa P78,000 hanggang P80,000 per square meter kung saan umabot sa 303 sqm. ang lawak ng unit ng mga Corona.
Mula sa orihinal na presyo na P24 milyon, ibinaba nila sa P19.6 milyon ang penthouse unit upang hindi na sila gumastos sa pagsasaayos nito.
Pero dahil maituturing umanong ‘cash buyer’ ang mga Corona mas bumaba pa ang presyo at nabigyan sila ng P5 milyong discount kaya umabot na lamang sa P14.5M ang presyo nito.
Isiniwalat din ni Hernandez na halos isang taon lamang tumagal ang pagbabayad ng mga Corona sa kanilang penthouse unit na nasa pinakamataas na bahagi ng Bellagio.
Noong September 2008 umano nabili ng mga Corona ang kanilang unit sa Bellagio na pinakahuling nabenta ng Megaworld sa nasabing building.
Napuna naman ni Senate President Juan Ponce Enrile, presiding officer sa impeachment trial na mistulang ang abogado ng prosekusyon na Atty. Joseph Jomer Perez ang nagko-cross examine sa kanilang testigo kaugnay sa sinasabing “reduced priced” ng unit.
Ipinunto ni Enrile na mismong ang Megaworld o “selling company” ang nagbaba ng kanilang presyo mula P24 milyon sa P19.6M at hindi ang bumili ng unit na nagkataong si Corona kaya hindi maituturing na ibinigay ang discount o ibinaba ang presyo dahil sa pabor kundi dahil sa bagyo.
Kinumpirma naman ni Hernandez na nagkaroon ng kaso ang Megaworld sa Korte Suprema subalit dalawang beses umano silang natalo.
Samantala, tumayo rin sa pagdinig si Sen. Ferdinand Marcos Jr. dahil hindi umano nito nakikita ang koneksiyon sa tinatalakay na Article 2 o non-disclosure ng statement of assets, liabilities and networth ni Corona sa mga discount na nakuha sa binili nitong unit sa Bellagio.
Ipinunto naman ni Rep. Elpidio Barzaga na maituturing na added value ang P5 milyon na ginastos pa ng mga Corona sa pagpapaayos ng penthouse unit na dapat umanong isinama sa SALN.
Ipinapa-subpoena rin ng impeachment court maging ang kinatawan ng engineering department ng Megaworld upang malaman kung gaano kalaki ang damage bago ibenta ang unit kay Corona at maging ang price list ng Bellagio.
Samantala, posibleng iharap ng defense team si Corona at ang pamilya nito.
Ayon kay Atty. Karen Jimeno, tagapagsalita ng depensa na hindi nila isinasantabi ang opsyon na patestiguhin ang Punong Mahistrado, asawa nitong si Cristina at mga anak na sina Carla at Ma. Charina subalit wala naman silang balak isama ang manugang ni Corona na si Constantino Castillo na asawa ni Carla dahil wala umano itong koneksyon sa mga alegasyon.
Sakaling iharap umano sa trial ang mga Corona ay magiging bukas sila sa cross examination ng prosecution panel.