MANILA, Philippines - Isang vintage bomb ang natagpuan matapos itong mahukay ng ilang residente kahapon sa Navotas City.
Nabatid kay Major Felipe Dollente, ng CAMANAVA Community Defense Center, dakong alas-10:00 ng umaga nang matagpuan ang isang vintage bomb sa North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod na dito nagsasagawa ng ‘Oplan-Linis’ ang mga residente at miyembro ng Reserve Army, nang aksidenteng mahukay ang nasabing bomba.
Sinabi pa ni Dollente na ang bomba ay selyado pa at water proof kaya hindi ito basta-basta sasabog. Pinaniniwalaang panahon pa ito ng World War II at bumagsak sa putikan kaya’t hindi sumabog.
Ang nasabing bomba ay kayang wasakin ang isang barko at mga tulay, kung saan kikitil ng maraming buhay. Nakatakda na rin itong ilipat sa tanggapan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD).