MANILA, Philippines - Bunsod sa pagtaas ng kriminalidad sa mga car park, isinusulong ng isang mambabatas ang mandatoryong paglalagay ng mga closed circuit television (CCTV) at recording devices sa mga parking lots.
Sa House Bill 5718 o ang Car park Security Act of 2012 ni Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera-Dy, pinagbabawal din nito ang paglalagay ng limitisyon o waivers mula sa mga car park operators sa anumang liability mula sa mga krimeng maaring mangyari laban sa kanilang mga tagatangkilik.
Inihalimbawa ni Herrera-Dy ang mga hindi pa nareresolbang kaso ng OFW na si Netz Aly Bagin at ng aktres na si Nida Blanca.
Si Bagin ay nadiskubre sa loob ng maleta sa parking area ng NAIA Terminal 2 noong Enero 11 habang ang actress naman ay natagpuan sa loob ng sasakyan nito na nakaparada sa parking garage ng condominium sa Greenhills, San Juan noong Nobyembre 7, 2000.
Ang kaso ng dalawa ay hindi pa rin nareresolba hanggang ngayon dahil sa kawalan ng CCTV o security cameras sa mga parking lot.