Llamas 'nagtatago'
MANILA, Philippines - Katulad ng publiko at ng media na naghihintay ng paliwanag mula kay Presidential political adviser Ronald Llamas, hindi rin alam ng Malacañang kung bakit hindi pa nagpapakita ang kontrobersiyal na presidential adviser na napiktyuran habang namamakyaw ng mga pirated DVD sa isang mall sa Quezon City.
Ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, maging sila sa Palasyo ay hindi pa rin nakikita si Llamas simula ng mapalathala sa pahayagan ang ulat tungkol sa pagbili nito ng mga piniratang DVD.
“Yan po ang hindi ko mai-explain. Hindi ko po alam kung bakit hindi pa po siya lumalabas in public. In fact, hindi pa ho namin nakikita si Secretary Llamas in the past few days,” sabi ni Valte.
Pero kinausap na umano nila ang staff ni Llamas na nagsabing mayroon lamang itong mga meeting na dinadaluhan kaya hindi nagagawi sa Malacañang.
Pinabulaanan naman ni Valte ang mga ispikulasyon na kukunsintihin na lamang ng Malacañang si Llamas.
Iginiit din ni Valte na may gagawing imbestigasyon pero hindi naman nito matukoy kung sino-sino ang mag-iimbestiga sa insidente na sinasabing makakaapekto sa kampanya ni Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts laban sa mga pirated na DVD.
Hindi na rin umano kinakailangang ipatawag ang reporter na nakakita sa pagbili ni Llamas ng mga pirated DVD dahil nakunan naman ito ng litrato.
- Latest
- Trending