Pinay nakapatay sa US dahil sa text
MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na Pinay na nagti-text umano habang nagmamaneho ang inaresto sa Amerika matapos na mabangga at mapatay nito ang isang motorista sa California noong Huwebes.
Base sa report, nahaharap umano sa kasong “felony count of vehicular manslaughter” ang Pinay na si Jorene Nicolas, ng San Diego, California dahil sa pagkamatay ng isang Deanna Mauer, 23.
Inaasahang ihaharap sa arraignment sa US court sa Lunes si Nicolas at inirekomenda ang piyansang $100,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa batas ng US, si Nicolas ay puwedeng makulong ng 3 hanggang 6 taong pagkabilanggo kapag napatunayang nagkasala
Sa CBS online news, nabatid ng Orange County District Attorney’s Office na minamaneho ni Nicolas ang kanyang sasakyan sa bilis na 80mph sa Interstate 405 malapit sa Edwards Street sa Westminster, California nang hindi nito mapansin ang matinding pagsisikip ng trapiko at nakahintong mga sasakyan dahilan upang bumangga ito sa likurang bahagi ng Hyundai Sedan na minamaneho ni Mauer.
Bagaman naka-seatbealt, sa tindi ng impact ay nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa katawan nang bumangga din ang sasakyan nito sa isa pang sasakyan na nasa unahan niya.
Agad na isinugod ang biktima sa UCI Medical Center kung saan siya idineklarang patay dahil sa “vertebral artery transection”.
Nagtamo naman si Nicolas ng mga sugat na ginamot din sa ospital.
Naniniwala ang mga awtoridad na abala si Nicolas sa pagte-text sa cellphone habang nagmamaneho kaya hindi nito napansin ang mga nakahintong sasakyan sa kanyang unahan.
Sa batas ng Amerika mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamaneho lasing at gumagamit ng cellphone.
- Latest
- Trending