MANILA, Philippines - Isinumite na kahapon ng prosekusyon sa Senado ang listahan ng kanilang mga testigo sa walong Articles of Impeachment laban kay impeached Chief Justice Renato Corona na aabot sa 88 kasama ang nasa 8 miyembro ng media at 3 cameramen.
Kabilang sa mga ipapatawag sina Raissa Robles at Marites Vitug na nais ng prosekusyon na tumestigo sa “close personal relationship” sa pagitan nina Corona at dating Pangulong Gloria Arroyo para sa Article 7 ng impeachment complaint na isusunod na tatalakayin sa Senate impeachment court matapos ang Article 1.
Ang Article 7 ay kaugnay sa umano’y impartiality ng Korte Suprema sa pagpapalabas ng temporary restraining order para maalis sa watch list ang mag- asawang Mike at Gloria Arroyo upang makalabas ng bansa at makapagpagamot.
Papatestiguhin din si Donna Pazzibugan ng Philippine Daily Inquirer kaugnay sa nangyaring pagpapanumpa kay Corona sa Malacañang ni dating Pangulong Arroyo noong Mayo 17, 2010.
Nais din ng prosekusyon na paharapin si Ina Reformina ng ABS-CBN news at kaniyang cameraman tungkol sa oras ng pagpapalabas ng TRO noong Nobyembre 15, 2011 na pumapayag na makalabas ng bansa ang dating Pangulo.
Kasama rin sa listahan ng mga testigo si Lia Manalac ng GMA 7 at kaniyang cameraman.
“She (Manalac) will testify among others that the TRO allowing GMA to leave the country was issued before 6 pm on 15 November 2011,” nakasaad sa listahan.
Pahaharapin din si Marlon Ramos ng Inquirer at Zen Hernandez ng ABS-CBN at kaniyang cameraman tungkol pa rin sa nabanggit na TRO pabor kay Arroyo.
Si Mark Meruenas ng GMA News naman ay tetestigo tungkol sa sinabi ni Midas Marquez na ang TRO ay “immediately executory” at dapat irespeto ng Department of Justice.
Patetestiguhin rin maging si Justice Secretary Leila de Lima tungkol sa mga kasong isinampa laban sa mag-asawa at tungkol sa kagustuhan ni Mrs. Arroyo na makalabas ng bansa.
Matatandaan na si Senator Miriam Defensor-Santiago ang nagsulong na mabigyan ng deadline ang prosekusyon at ang depensa sa pagsusumite ng listahan ng lahat ng kanilang testigo at mga gagamiting dokumento upang matantiya kung gaano tatagal ang paglilitis.
Samantala, napailing naman kahapon si Senate President Juan Ponce Enrile ng malaman kung gaano pa karaming dokumento at testigo ang ihaharap ng prosekusyon.
Pero agad ding nilinaw ni Enrile na hindi niya kontrolado ang bilang ng mga testigong nais iharap ng dalawang panig.
Nauna ng sinabi ng depensa sa pamamagitan ng abogado nitong si dating Supreme Court Associate Justice Serafin Cuevas na aabot lamang sa 15 ang isusumite nilang testigo samantalang mayroon silang 23 documentary evidence at karagdagang 25 dokumento sa pagtatapos ng trial.
Inihayag naman ni Iloilo Rep. Neil Tupas na posibleng mabawasan pa ang listahan ng kanilang mga witness na ihaharap sa paglilitis.