MANILA, Philippines - Dahil umiinit na naman ang usapin ng NBN-ZTE, nakakatanggap na naman ng mga banta sa kanyang buhay ang whistleblower na si Joey de Venecia III.
Sinabi ni de Venecia, kasalukuyang secretary general ng PDP-Laban, na hindi siya mapapatahimik ng mga bantang ito dahil batid niyang suportado siya ng taong bayan sa pagnanais na papanagutin ang mga mandarambong sa pamahalaan.
Suportado rin ni Joey ang kanyang amang si dating Speaker Jose de Venecia Jr. sa pagtestigo ng huli sa kasong isinampa laban kay dating Comelec chairman Benjamin Abalos kaugnay ng maanomalyang $329 milyong transaksyon sa NBN-ZTE.
Ang dating Speaker ay tumestigo sa prosekusyon at kinumpirma na sina dating Pangulong Arroyo, ang kanyang asawang si Jose Miguel Arroyo, at Abalos ay nakipaghapunan at nakipaglaro ng golf sa mga opisyal ng ZTE Corporation sa Shenzhen, China noong Nobyembre 2006 kung saan pinag-usapan din ang kontrobersyal na broadband project.
Maalala na si Joey ang nagsiwalat ng ZTE scandal sa pagdinig ng Senado. Dahil dito, natanggal bilang Speaker ng mababang kapulungan ang kanyang ama.