MANILA, Philippines - Nagsumite kahapon ng mosyon sa Pasay City Regional Trial Court ang mga prosecutors ng Comelec-DOJ joint panel upang ilipat na sa ordinaryong kulungan si Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kung mapatunayan na nasa maayos nang kundisyon ang kalusugan nito.
Sa 3-pahinang mosyong isinumite nina Commissioner Christian Robert Lim at Atty. Esmeralda Amora-Ladra sa sala ni Pasay RTC Judge Jesus Mupas ng Branch 112, hiniling nila sa korte na ipatawag ang Director ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) at ang attending physician ni Arroyo upang mabatid ang tunay na estado ng kalusugan nito sa pamamagitan ng medical report.
Nais ring alamin ng prosekusyon kung may pangangailangan pa para manatili sa pagamutan ang dating Pangulo base sa magiging rekomendasyon ng VMMC Director.
Kung makikita naman na maayos na nga ang kalusugan at hindi na kailangang manatili sa pagamutan, iginiit ng prosekusyon na dapat nang ilipat ito sa isang regular na kulungan para naman makatipid ang pamahalaan sa ginagastos na malaking halaga ng pondo sa pananatili ni Arroyo sa “presidential suite” ng VMMC.
Ibinatay naman ng mga tagausig ang kanilang mosyon sa Section 3 ng Rules of Court na nagsasaad na tungkulin ng duty officer na naghain ng warrant na dalhin ang akusado sa pinakamalapit na police station o bilangguan ng walang pagka-antala.
Sa oras na katigan ng korte ang mosyon, posibleng sa Pasay City Jail o sa pasilidad ng Southern Police District (SPD) ikulong si Arroyo, kasama si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
Binigyan naman ng kopya ng naturang mosyon ang mga abogado ni Arroyo at maging mga abogado nina Andal Ampatuan Sr. at Lintang Bedol upang pagbasehan ng isusumite nilang tugon sa naturang mosyon.
Samantala, pabor naman si Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casino sa naging hakbang na ilipat sa ordinaryong kulungan si Arroyo. (Danilo Garcia/Butch Quejada)