MANILA, Philippines - Binigyan ng deadline ng impeachment court ang dalawang panig na magsumite ng kanilang ebidensiya at listahan ng kanilang testigo na kanilang gagamitin sa pagdinig.
Iginiit din ni Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago sa 2 panig na dapat isumite ang pangalan ng mga ihaharap na testigo upang maiwasan rin ang pagpi-presenta ng mga sopresang testigo.
Sinabihan din ni Santiago ang lahat ng nasa impeachment trial na huwag ng magpa-epal o masyadong pumapel dahil lalo lamang tumatagal ang pagdinig.
“It behooves us to start with this principle. Justice delayed is justice denied. Wag na tayo magpa-epal dito. Nawawalan ng gana yung nanonood. Dumaan na tayo dun,” ani Santiago.
Naipakita naman ng depensa sa pamamagitan ng lead counsel na si dating Associate justice Serafin Cuevas na mayroon silang listahan ng mga testigo na aabot umano sa 15 at isusumite na ngayon (Miyerkules).
Aabot naman umano sa 23 ang documentary evidences na hawak ng depensa at karagdagang 25 para sa pagtatapos ng trial.
Nakatikim naman ng sermon kay Santiago si Iloilo Rep. Niel Tupas matapos ipahiwatig na hindi sila kaagad-agad makakapagpresenta ng kumpletong listahan ng kanilang mga ebidensiya at testigo.
Pinagsabihan ni Santiago si Tupas na dapat ay nakahanda ito tuwing humaharap sa korte.
“You should have known. Don’t shake your head at me. You come to court prepared. You do not waste the time of this court,” sabi ni Santiago.
Hiniling ni Tupas na mabigyan sila ng tatlong araw upang maihanda ang listahan ng kanilang mga testigo at mga documentary evidence na hindi na kinontra ni Santiago pero sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na hanggang alas-10 ngayong umaga lamang ang ibinibigay niyang deadline para magsumite ng memorandum ang prosecution.
Samantala hiniling din kahapon ng mga abogado ni Corona sa Senado bilang impeachment court na ibasura na at huwag ng tumanggap ng mga ebidensiya na may kinalaman sa diumano’y pagkakamal nito ng il-gotten wealth.
Nais ng depensa sa isinumite nilang Memorandum para sa Article 2 ng verified impeachment complaint na tuluyang i-abolish ang mga naipresenta ng ebidensiya para sa Paragraphs 2.3 at 2.4 na tungkol sa pinaghihinalaang ill-gotten wealth at katiwalian umano ni Corona.
Ayon sa depensa, irrelevant, improper at labag sa constitutional rights ni Corona kung gagamitin ang mga iprenisentang ebidensiya dahil hindi daw inakusahan ng ill-gotten wealth ito sa Article 2 ng impeachment complaint.
Nadismaya naman ang prosecution panel sa ikalimang araw ng impeachment dahil sa hindi pagpayag ng Senate impeachment court na iprisinta ang kanilang mga testigo at ebidensya na may kinalaman sa income tax return (ITR) ng punong Mahistrado.
Sinabi ng mga tagapag-salita ng prosecution na sina Reps. Miro Quimbo,Sonny Angara at Erin Tanada, sana ay hinayaan na lamang silang mag-prisinta ng mga testigo at dokumento habang nakabinbin pa ang kahilingan ng depensa na huwag gamiting ebidensya ang ITR ni Corona.
Bukod dito, hindi rin sang-ayon ang prosecution team na i-trato ang impeachement trial bilang criminal proceedings dahil patuloy lamang umanong magtatagal ang pagdinig at sa halip ay dapat lamang umano itong ituring na administrative proceedings dahil magkaiba ang parusa dito.
Hindi rin natuloy ang pag testigo ni BIR commissioner Kim Henares kahapon at inaasahan na ngayong araw ay haharap ito sa pagdinig upang ipresinta ang ITR ni Corona.