MANILA, Philippines - Layunin ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na makapasok lahat sa paaralan ang mga out-of-school youths (OSYs) at learners with disability ngayong School Year 2012-2013 kasunod ng ipapatupad nilang expanded early school registration na nakatakdang idaos sa Enero 28.
“Itinalaga natin ang araw na iyon para sa maagang rehistrasyon ng mga out-of-school children, out-of-school youth, at mga kabataang may kahirapang matuto kasabay ng mga mag-aaral sa kinder, Grade 1 at incoming First Year high school students,” ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro.
Ayon kay Luistro, noong nakaraang taon ang sakop lamang ng early registration ay ang mga batang pumasok sa Kindergarten, Grade 1, at First Year high school students.
Ngunit ngayon, nais matiyak ng DepEd na maging ang mga OSC at OSYs mula sa disadvantaged groups, indigenous peoples at street child- ren na nagkakaedad ng lima hanggang 18-taong gulang ay makakapasok sa paaralan.
Anang kalihim, maaaring makapamili ang mga ito kung nais nilang pumasok sa formal school sa pamamagitan ng alternative delivery mode (ADM) o di kaya’y informal mode sa pamamagitan ng alternative lear-ning system (ALS).
Iniutos na ni Luistro sa central, regional at division offices ng DepEd na maghanda para sa ‘Three-Year Catch Up Plan’ sa Basic Education mula sa School Year 2012-2013 hanggang 2014-2015 upang matanggap ang dumaraming bilang ng mga mag-aaral.
Sinabi pa ni Luistro na ang naturang programa ay bahagi nang pagsisikap ng pamahalaan na maabot ang goal ng ‘universal basic education’ at ng “Education for All” na isinusulong ng pamahalaan.