MANILA, Philippines - Naresolba na ang agawan sa puwesto sa pagitan ng liderato ng Minorya matapos na magbitiw kahapon sa puwesto si House Minority leader Edcel Lagman.
Sa kaniyang pahayag ay pinangatwiranan ni Lagman na mas minarapat niyang magbitiw kahit walang sapat na suporta si Quezon Rep. Danilo Suarez upang mapagbigyan si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Bukod dito, nagbitiw din si Lagman bilang Chairman at miyembro ng Lakas-CMD at bilang Vice President ng Centrist Democrats International (CDI), worldwide organization ng Christian and Muslim Democratic parties,kung saan kabilang ang Lakas-CMD.
Idinagdag pa nito na matitigil na rin ang umano’y sapilitang pagpapapirma ni Suarez ng suporta mula sa mga kasamahan sa minorya na siyang nagpapababa sa mga miyembro ng oposisyon.
Ito ay dahil meron umanong mga miyembro ng oposisyon na pumirma ng suporta kay Lagman subalit pumirma din kay Suarez.
“I cannot continue serving a political aggrupation which deliberately refuses to recognize com petent, militant and responsible leadership and would opt to follow blindly the importuning of former President Arroyo,” paliwanag pa ni Lagman
Samantala, inamin ni Suarez sa telepono na wala siyang personal na impormasyon sa pagbibitiw ni Lagman at ikinagulat niya ang biglang pagbibitiw nito.