PNoy binira ni Gloria sa libro
MANILA, Philippines - Binanatan at sinermunan ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo si Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang ginawang libro na inilunsad kahapon sa Manila Hotel.
Nakasaad sa librong “Its the Economy, Student!” na iprinisinta ni Dr. Gonzalo Jurado, dating professor ni Arroyo sa University of the Philippines, na bumababa na ang momentum na minana ng Pangulo kay Arroyo at sa kabila umano ng sandaling honeymoon period nito ay hindi pa rin nito napalitan ang legacy ng dating pangulo ng kanyang mga bagong idea at sariling galaw.
Noong ipasa umano ni Arroyo ang pamahahala ay tinamasa nito ang 7.9 porsiyentong growth rate sa kabila ng pagbagsak ng ekonomiya ng ibang bansa.
Ngunit sa poder umano ni Aquino ay nasa 3.2 percent na lamang ito.
Mayroon din umanong 9 sa bawat 10 Filipino ang may access sa health insurance, 9 milyong trabaho ang naitatag at mahigit sa 100,000 classrooms ang naipatayo bago bumaba si Arroyo sa kanyang puwesto.
Isinisisi din ni CGMA kay Aquino ang kabiguan nito na mapataas ang ekonomiya ng bansa dahil sa “weak work ethic” nito kayat hinikayat na maging “hands on” leader at huwag unahin ang kanyang ego para sa kapakanan at interes ng bansa.
Wala rin umanong lugar ang pagliban ni Aquino o ang pagdating ng huli at pag-uwi ng maaga at hindi rin umano sapat ang Cabinet meeting apat na beses sa buong taon dahil hindi ito makakapanghikayat ng mga kapitalista sa bansa.
Dapat na rin umanong tigilan ni Aquino ang paghikayat ng tsismis tungkol sa kanyang love life dahil maaring wala naman umanong interesado rito.
- Latest
- Trending