MANILA, Philippines - Umaabot na sa 36 katao ang death toll sa malagim na trahedya ng landslide sa ‘gold rush area’ sa Brgy. Napnapan, Pantukan, Compostela Valley matapos na apat pang bangkay ang marekober kahapon.
Ayon kay AFP-Eastern Mindanao Command Col. Leopoldo Galon, apat pang bangkay ang narekober ng search and retrieval team.
Gayunman, dalawa lamang sa mga ito ang natukoy ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng kanilang mga identification card na sina Garnado Ofton at Paquito Piayo.
Sa kabuuang 36 bangkay na narekober sa landslide ay apat lamang ayon sa opisyal ang natukoy ang pagkakakilanlan habang sa 16 nailigtas ay nasa hospital pa ang lima kabilang ang isang nasa kritikal na kondisyon.
Samantala, sa isang radio interview sinabi naman ni Compostela Valley Gov. Arturo Uy na bubuo siya ng Independent Commission upang imbestigahan ang posibleng kapabayaan ng mga lokal na opisyal na nagbunsod sa trahedya sanhi ng illegal mining operations sa lugar.
Nabatid na pangunahing isasalang sa imbestigasyon ay si Pantukan Mayor Celso Sarenas at iba pa.
Magugunita na noong Enero 5 ng madaling araw ay natabunan ng landslide ang mga kabahayan sa Sitio Diat 1 at Sitio Diat II sa Brgy. Napnapan, Pantukan kung saan ay aabot na sa 36 katao ang death toll at 40 pa ang kumpirmadong nawawala.
Samantalang ang sinasabing 100 pa na mga minero at kanilang mga pamilya ay hindi mismong residente dito at umano’y mistulang mga kabuteng nagsulputan lamang sa naturang ‘gold panning area’.