US may travel advisory sa Phl
MANILA, Philippines - Bago pa man pormal na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang slogan na ‘It’s more fun in the Philippines’, nagpalabas na ng travel advisory ang Estados Unidos laban sa Pilipinas.
Sa kanilang website na may petsang Enero 5, 2012 pinag-iingat ang kanilang mga mamamayan sa pagbiyahe sa bansa dahil sa panganib ng mga pag-atake ng mga terorista partikular sa Mindanao at Sulu Archipelago na posible rin kahit sa ibang lugar tulad ng Maynila.
Pinag-iingat sila sa posibilidad na madamay sa pag-atake sa matataong lugar tulad ng shopping malls, airports at iba pang public places.
Ang advisory na ito ay ang kasunod na inisyung advisory noong Hunyo 14, 2011, dahil umano sa patuloy pa rin na terrorist activity sa Pilipinas.
Isa pang babala sa kanilang mamamayan na nasa bansa ang pagtarget umano ng grupo ng kidnap-for-ransom na karaniwang puntirya ang mga dayuhan.
Nilinaw naman sa kanilang babala na walang boundary ang terorismo laban sa US citizens hindi lamang sa Pilipinas kundi saan mang panig ng mundo.
Pinayuhan nila ang kanilang kababayan na magpatala sa Department of State’s Smart Traveler Enrollment Program o kaya ay sa US Embassy sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila para ma-aksiyunan ng kanilang gobyerno kung may emergencies.
- Latest
- Trending