MANILA, Philippines - Magpapatuloy muli ang opensiba ng tropa ng militar laban sa grupo ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA). Ito ang inihayag kahapon ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr. sa pagtatapos kahapon ng 18 araw na idineklarang Suspension of Military Operations (SOMO) o tigil putukan ng pamahalaan sa CPP- NPA na nag-umpisa noong Disyembre 16. Ang gobyerno ay nadeklara ng 18 araw na SOMO upang mabigyan ng pagkakataon ang mga rebelde na bumaba sa kabundukan at makapiling ang kanilang mga pamilya sa pagdiriwang ng kapaskuhan. Samantalang, tinapatan naman ito ng anim na araw na ceasefire ng CPP-NPA mula Disyembre 24 , 25 , 26 at Disyembre 31 hanggang Enero 2. Sa kabila nito, iginiit ni Burgos na patuloy rin ang implementasyon ng Internal Peace Security Plan (IPSP) o Bayanihan sa pamamagitan ng rehabilitasyon at iba pa sa mga lugar na apektado ng labanan ng mga rebelde at ng mga sundalo.