MANILA, Philippines - Hiningi kahapon ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) upang makilala ang nag-upload sa internet ng intimate video ng kaniyang namayapang kapatid na si Ramgen Revilla at girlfriend nitong si Janelle Manahan.
Ang nasabing video ay kumalat umano sa internet noong nakaraang linggo.
“Sobrang pambababoy ang ginagawa nila sa kapatid ko. Karumal-dumal na nga ang pagkamatay ni Ramgen, sinisira pa nila ang pagkatao,” sabi ni Sen. Revilla.
“Mas grabe pa ang pambababoy na ginagawa nila kay Janelle. Grabe na ang kanyang pinagdaanan, at pilit pa nilang niyuyurakan ang pagkababae nito ngayon,” dagdag pa nito.
Ayon kay Revilla, lumabag sa Anti-Voyeurism Law of 2009 (RA 9995) ang sinumang nagpakalat ng nasabing video.
Ang sinumang lumabag sa nasabing batas ay mapapatawan ng parusang pagkakulong ng hindi bababa sa tatlong taon pero hindi lalampas sa pitong taon at multang hindi bababa sa P100,000 pero hindi lalampas sa P500,000.