Ampatuan abswelto sa rebelyon sa CA
MANILA, Philippines - Pinawalang-sala ng Court of Appeals (CA) sa kasong rebelyon ang pamilya Ampatuan.
Sa 63-pahinang desisyon na sinulat ni Associate Justice Elihu Ybanez, kinatigan ang desisyon ni Judge Vivencio Baclig ng Quezon City Regional Trial Court na ipinalabas noong Marso 2010.
Batay sa kautusan ni Judge Baclig, walang sapat na katibayan upang litisin sa kasong rebelyon ang pamilya Ampatuan.
Una rito ay kinuwestiyon ng Solicitor General ang desisyon ng lower court na nagpapawalang-sala kina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr, dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan, mga kaanak na sina Datu Anwar Ampatuan, Datu Sajid Islam Ampatuan, Datu Akmad Ampatuan at ilang kaalyado sa pulitika.
Sa pag-absuwelto sa angkan ng Ampatuan, pinaliwanag ng appellate court na walang armas ang mga raliyista noong November 29, 2009 na dinaluhan ng ARMM officials mula sa Basilan, Sulu at Tawi Tawi nang sila ay magpahayag ng suporta sa mga Ampatuan.
Sa kabila nang pagkakadismis ng kasong rebelyon ay mananatili pa rin sa bilangguan ang mga nabanggit na respondent dahil sa kinakaharap namang kaso ng pagpaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 2009.
- Latest
- Trending