MANILA, Philippines - Hiniling ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa lahat ng opisyal ng barangay sa buong bansa na magbigay ng tulong sa mga naging biktima ng Bagyong Sendong sa Northern Mindanao at iba pang bahagi ng Kabisayaan.
Ang kahilingan na ito ni Echiverri sa mga opisyal ng barangay sa buong Pilipinas ay upang agad na makabawi at makaahon ang mga na ging biktima ni Sendong partikular na sa mga lugar ng Cagayan de Oro City at Iligan City.
Aniya, kung ang lahat ng opisyal ng barangay sa buong bansa ay magbibigay ng tulong sa mga biktima ni Sendong, malamang na marami ang tulong pinansiyal na maibibigay ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa mga sinalanta ng bagyo.
Unang nagbigay ng tulong si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa mga sinalanta ng bagyo matapos itong mag-donate ng P1 milyon kasabay ng paghikayat sa mga miyembro ng League of City Mayors of the Philippines na mag-abot din ng kanilang tulong.
Inaasahan naman ni Councilor Echiverri na maraming mga kapwa nito opisyal ng barangay ang magbibigay ng kanilang tulong sa mga sinalanta ng bagyo dahil isa itong paraan ng pagbibigay sa araw ng Pasko.