Pinoy pinalilikas sa Syria!
MANILA, Philippines - Dahil sa tumitinding karahasan sa Syria, itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang crisis alert mula sa alert level 3 sa alert level 4 para sa kaligtasan ng libu-libong Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing bansa.
“In view of the escalating violence in Syria, the Department of Foreign Affairs will be raising Alert Level 4 for the entire country of Syria effective today,” ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario.
Bunsod nito, may 17,000 Pinoy ang kinakailangang ipasailalim sa mandatory evacuation o sapilitang paglilikas na gagastusan ng pamahalaan bunsod ng tumataas na tensyon doon na nagsimula pa noong Pebrero.
Inatasan ni del Rosario si Executive Director for Migrant Workers Affairs, Ambassador Ricardo M. Endaya, na agad na tumungo sa Syria upang mag-assist sa Philippine Embassy para sa mabilisang paglilikas sa mga Pinoy na naiipit sa karahasan.
Pinapayuhan ang mga Pinoy sa Syria na panatilihing nakabukas ang kanilang komunikasyon sa Embahada at sa mga community at ipaalam ang kanilang kinaroroonan.
Mula sa tinatayang 17,000 Pinoy sa Syria, may 5,000 Pinoy lamang ang naka-rehistro sa Embahada sa Damascus.
Noong Agosto 16 ay nasa alert level 3 lamang ang crisis alert sa Syria kung saan sinimulan ang voluntary evacuation sa mga Pinoy na karamihan ay undocumented.
Binuksan na rin ng Embahada ang kanilang number na 00-963-116-132626 para sa Pinoy at kanilang pamilya na hihingi ng assistance at may mga katanungan. Maaari rin silang makipag-komunikasyon sa pamamagitan ng Embassy’s e-mail address [email protected].
Sa Manila, pinagana na ng DFA ang kanilang hotline na 834-3245 at 834-3240 para sa nagnanais na malaman ang kalagayan ng kanilang kaanak sa Syria.
- Latest
- Trending