MANILA, Philippines - Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong itaas ang suweldo ng mga public school teachers, mula sa salary grade 10 ay gagawing salary grade 15.
Sa Senate Bill No. 3082 na tatawaging “Teacher’s Salary Upgrading Act” na inihain ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sinabi nito na malaki ang ginagampanang papel ng mga pampublikong guro sa nation-building.
Nakasaad din aniya sa Magna Carta for Public School Teachers na ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ay dapat kapantay ng iba pang trabaho na may kahalintulad na kuwalipikasyon.
Pero hindi umano ito nangyayari dahil sa kasalukuyan ang entry-level position ng Teacher 1 ay P15,649 lamang na mas mababa sa P21,054 na “family living wage” sa National Capital Region.
Hindi na aniya nakakapagtaka na maraming public school teachers ang mas pinipili pang lumabas ng bansa.
Naniniwala si Revilla na malaking tulong sa mga guro kung gagawing Salary Grade 15 ang mga nasa Salary Grade 10 na mga guro.