Karapatan ng IPs masusubok sa Tampakan copper-gold project
MANILA, Philippines - Kinondena ng kinatawan ng indigenous peoples’ (IPs) sa Sarangani Provincial Council ang patuloy na pagturing sa kanila na walang halaga o katuturan sa mga isyung direktang nakakaapekto sa kanilang kinabukasan.
Ayon kay Fred Basino, isang malaking pagsubok para sa kanila ang panukalang Tampakan Copper-Gold project dahil pinagkalooban sila ng karapatan para sa pang-ekonomiko at panlipunang pag-unlad, karapatan sa ancestral domain o dominanyong minana sa mga ninuno at karapatang itakda ang sariling pamamahala.
Ngunit iginiit ni Basino na may ibang batas na nagmamaliit sa kanilang mga karapatan.
Nilinaw ni Basino na mahalaga sa komunidad ng mga tribo na mabatid ang kanilang mga karapatan para matigil ang patuloy na pagturing sa kanilang mga katutubo na walang halaga at idinagdag na dapat laging may kinatawan ang mga IPs sa bawat usapan o forum.
Ani Basino, nang kumandidato si South Cotabato Governor Arthur Pingoy ay nangako itong magtatalaga ng kinatawan ng IPs sa South Cotabato provincial council ngunit hanggang ngayon ay wala itong katuparan.
Nilinaw niya na suportado ng South Cotabato Provincial Council ang Tampakan project at buo rin ang suporta ng komunidad ng iba’t ibang tribo ng Sarangani sa naturang proyekto.
Idinagdag niya na dapat magkaroon ng tunay na pagtutulungan ang lahat ng sektor para maisagawa nang wasto at sumusunod sa umiiral na batas at regulasyon ang Tampakan project.
- Latest
- Trending