208 patay kay Sendong!
MANILA, Philippines - Umakyat na sa 208 katao at inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi habang mahigit 200 ang nawawala matapos na rumagasa ang mala-Ondoy na flashflood dulot ng bagyong Sendong na nagpalubog sa Cagayan de Oro City, Iligan City at ilang bahagi ng Zamboanga del Norte kahapon ng madaling araw.
Sa press briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMCC), iniulat ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Jesse Dellosa kay Pangulong Aquino, na nasa 117 katao ang nasawi sa pagbaha sa Cagayan de Oro City pa lamang na karamihan ay mga bata, habang humigit kumulang naman sa 100 pa ang nawawala. Isa sa mga nasawi si RMN radio brodkaster Arnold Alnozada na siya ring Program Director ng naturang himpilan sa Iligan City na nalunod sa kasagsagan ng flashflood. Ang iba pang mga nasawi ay kinabibilangan nina Gng. Damuag, Rodrigo Sinugco at Rogelio Ramirez Jr., pawang nalunod sa Polanco, Zamboanga del Norte. Kabilang naman sa mga nasawi sa Cagayan de Oro City sina Liza Abenido, Soledad Abejuela at Mabelyn Lapot.
Sa phone interview kahapon kay Brig. Gen. Roland Amarille, Assistant Division Commander ng Army’s 1st Infantry Division at namumuno sa pagsusuperbisa sa Iligan City, nasa 91 katao ang narekober nilang bangkay habang mahigit pa sa 100 ang nawawala.
Ayon kay Amarille, 50% ng mga bahay sa Brgy. Bayog ay natangay ng malakas na agos matapos ang flashflood galing sa high tide, pagbaha sa ilog at mula sa mga bundok sa lungsod ng Iligan.
Inaasahan namang tataas pa ang bilang ng mga nasawi na karamihan ay mga bata habang patuloy ang search and retrieval operation sa mga apektadong lugar.
Sinabi naman ni Ramos na nasa 11 barangay sa lungsod ang lumubog sa lagpas taong baha sa Iligan City at nawasak rin ang tulay na nag-uugnay sa lugar at iba pang lungsod.
Nabatid kay Ramos na bagaman nasa signal no. 2 lamang ang bagyong Sendong sa nasabing mga apektadong lugar ay mala-Ondoy ang ibinuhos nitong tubig na nagdulot ng rumaragasang flashflood dakong alas- 2:30 ng madaling araw sa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ng mga residente.
Sa panayam naman kay AFP-Eastern Mindanao Command Spokesman Col. Leopoldo Galon, blackout at tubig ang problema ngayon sa 23 barangay sa Cagayan de Oro City gayundin sa Iligan City. Nasa mahigit 2,000 naman ang nailigtas.
Samantalang karamihan rin sa mga residente sa Iligan City ay nasa bubungan na ng kanilang mga bahay bunga ng lagpas taong baha at nilalamig na ang mga ito lalo na ang nag-iiyakang mga bata at mga buntis na ginang na nangangailangan ng rescue, pagkain at damit.
Inihayag naman ni Iligan City Mayor Lorenz Cruz, ito ang kauna-unahang pagkakataon na binaha ng mala-Ondoy ang kanilang lungsod sa loob ng maraming taon.
Nabatid na dalawa sa mga nawawala ay miyembro ng pulisya na nagpartisipa sa rescue mission sa mga apektadong residente sa Cagayan de Oro City.
Nagpapatuloy naman ang search and retrieval operation ng AFP at PNP sa mga lugar na sinalanta ng flashflood.
Inutos na rin ni Pangulong Aquino sa DSWD at DILG na tulungan ang lahat ng mga naging biktima ni Sendong.
Maging ang Bureau of Fire and Protection ay inatasan na rin upang magbigay ng malinis na tubig sa mga apektadong residente.
Tiniyak din ng Pangulo na patuloy ang pagpapadala ng mga relief goods sa mga naapektuhang lugar lalo na ‘yong mga walang makain. (May ulat ni Malou Escudero)
- Latest
- Trending