Mga hukom nagwelga!
MANILA, Philippines - Bilang pagpapakita ng suporta kay Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona, nagsagawa kahapon ng court holiday ang mahigit 1,000 miyembro ng Manila Regional Trial Courts at Metropolitan Trial Courts sa harap ng Korte Suprema gayundin ang iba’t ibang korte sa bansa.
Suot ang itim na damit at arm band, nagmartsa ang mga hukom at court employees patungong Supreme Court compound bitbit ang mga placards kung saan nagsagawa ng programa at nagpahayag ng saloobin si Corona kaugnay sa impeachment laban sa kanya at galit umano ni Pangulong Aquino.
Nanguna sa nasabing walk-out o court holiday si Philippine Judges Association President at Manila Regional Trial Court Judge Antonio Eugenio.
“We are behind the chief justice in this no matter what the cost,” ani Eugenio.
Nilinaw naman ni Judge Eugenio na ang protesta nila kahapon ay hindi lamang pagpapakita ng suporta kay Corona kundi pagkadismaya sa kawalang-galang ng Malakanyang sa hudikatura.
Iginiit din nito na hindi iniutos sa kanila ni Corona o ni Court Administrator Midas Marquez na magsagawa ng court holiday sa halip ay silang mga hukom umano ang nag-usap-usap tungkol dito at kagabi lang ito napagplanuhan kaya ang ibang korte umano sa bansa ay hindi na nila naabisuhan.
Ayon sa ilang court personnel, hindi sapilitan ang paghihikayat sa nasabing protesta ng taga-korte.
Isa lamang umanong text message ang natanggap ng mga korte para sa nasabing court holiday at hindi naman pormal na inobliga ang mga ito na makisali.
Ayon kay Judge Eugenio, pinakiusapan naman nila ang mga may appointment sa korte, nakatakdang pagdinig at iba pang transaksyon ngayong araw na ipagpaliban muna ito dahil sa kanilang isasagawang protesta.
Kabilang sa mga nagsagawa ng court holiday ang mga korte sa Batangas, Iloilo, Baguio, Naga, Bacolod, Laoag.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang Integrated Bar of the Philippines sa hakbang ng mga korte.
Ayon kay IBP President Roan Libarios, karapatan din ng hudikatura na magpakita ng saloobin o freedom of expression.
Una rito, tiniyak ni Eugenio na nakahanda silang idepensa ang institusyon laban sa tangka na ito ay sirain.
- Latest
- Trending