Xmas party gawing simple - DepEd
MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro na gawing simple ang idaraos na Christmas party ng kanilang mga estudyante.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, hindi dapat na maging magarbo ang pagdiriwang o magdaos ng compulsory holiday celebration ang mga paaralan dahil ito’y dagdag-gastusin lamang para sa mga magulang.
Aniya, dapat na maging simple lamang ngunit makahulugan ang mga Christmas party at sakali mang kinakailangang magkaroon ng contribution, ito ay dapat ring boluntaryo.
Paalala pa ni Luistro, dapat na tiyakin ng mga guro at mga school officials na ang mga guidelines na nilalaman ng DepEd Order 114, series of 2009, hinggil sa pagdaraos ng simpleng Christmas celebrations ay istriktong masusunod.
Nagbabala pa ang Kalihim sa mga school officials na mananagot at maaaring maharap sa administrative sanction kung makakatanggap ang DepEd ng reklamo laban sa kanila at mapapatunayan silang guilty.
Inianunsiyo rin ng DepEd na ang pagdaraos ng Christmas party ay dapat na isagawa sa Disyembre 19 o 20, na taunang tradisyon na bago ang Christmas holiday break.
Ang Christmas vacation naman ng mga public schools ay dapat na magsimula ng Disyembre 21 at magbabalik ang klase sa Enero 3, 2012 upang mabigyan ang mga estudyante at mga guro ng pagkakataon para ipagdiwang ang holiday season.
- Latest
- Trending