Mag-ingat sa 'lifestyle', pagkain ngayong Pasko - DOH
MANILA, Philippines - Nagpaalala muli ang Department of Health (DOH) sa publiko na hindi lamang pagsasaya ang dapat nasa isip ngayong Kapaskuhan, kungdi dapat ding tiyak na hindi naabuso ang kalusugan dahil ito ang panahong madalas umatake ang lifestyle-related diseases.
Sinabi ni Health Secretary Enrique Ona, mas lubos ang kasiyahan kung mababantayan din ang kalusugan tulad ng pagkontrol o pag-iwas sa ‘non-communicable diseases (NCDs).
Batay aniya sa Philippine Health Statistics noong 2006, ang NCDs ay kabilang sa pangunahing sanhi ng pagkamatay, kabilang na ang sakit sa puso na siyang nangunguna, sumunod ang sakit sa (2) vascular system, (3) malignant neoplasms, (7) chronic lower respiratory diseases, at (8) diabetes mellitus.
Paliwanag ni Ona ang cardiovascular diseases, cancers, chronic obstructive pulmonary diseases, at diabetes mellitus, na apat na pangunahing NCDs sa bansa ay karaniwang nakukuha sa risk factors na maaari naman sanang iwasan tulad ng paninigarilyo, unhealthy diet, kawalan ng ehersisyo at pag-inom ng alak.
Kung iiwasan lamang aniya ang mga naturang risk factors ay makakaiwas rin ang mga mamamayan sa mga naturang karamdaman.
Nagbigay pa ng mga tips si Ona upang matiyak na magkakaroon ng ‘healthy at stress-free holiday season’ ang mga Pinoy, kabilang ang Maghanda nang maaga para sa makahulugan na Kapaskuhan upang ang Stress ay maiwasan; magregalo sa mga bata ng mga laruan na ligtas at angkop sa kanilang edad.
- Latest
- Trending