MANILA, Philippines - Inatasan ng Korte Suprema ang Malacañang na magpaliwanag hinggil sa petisyon ng mga retiradong mahistrado ng Court of Appeals (CA) hinggil sa diumano’y katiwalian ng Department of Budget and Management (DBM) o sa hindi pagre-release ni Secretary Florencio Abad ng kanilang salary increase at Special Allowance for the Judiciary (SAJ) na ginagarantiyahan ng 1987 Constitution.
Sa 2-pahinang resolution, iniutos ng SC en banc sa Palasyo, particular sa DBM, na maghain ng komento sa loob ng 10 araw, sa oras na matanggap na ang kautusan.
“Acting on the Special Civil Action for Mandamus, the Court resolved, without giving due course to the petition, to Require the respondent to Comment on the petition within ten days from notice hereof,” saad ng resolusyon.
Nais ng Mataas na Hukuman na ibigay ng Malakanyang ang kanilang panig hinggil sa kinukuwestiyong paglabag umano ni Sec. Abad na pigilin ang budget ng judiciary , kung saan apektado umano ang mga mahistrado sa pangunguna ni Ret. Justice Teodoro Regino, Pangulo ng Association of Retired Court of Appeals Justices Inc.,. Isa umanong paglabag sa RA 3019 oAnti-Graft and Corrupt Practices Act ang ginawa ni Abad.
Sinabi pa ng mga petisyuner na dahil dito, naapektuhan na ang kanilang pangangailangan dahil sila ay nasa 80’s na at may hindi na maayos na kalusugan.