MANILA, Philippines - Kumikilos na ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang matunton at masagip ang isang OFW na umano’y kinidnap sa Afghanistan.
Sa pulong balitaan sa DFA kahapon, sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang National Bureau of Investigation sa International Police (Interpol) upang tuntunin ang kinaroroonan ni Mark Ramos, 27, isang procurement logistics worker ng Copenhagen Construction Co. sa Kandahar na iniulat na kinidnap noon pang Enero 7.
Ayon kay Hernandez, may kontak sila sa pamilya ng dinukot at beni-beripika na ng pamahalaan ang insidente at ang posibleng negosasyon sa mga abductors.
Nakarating na kay Vice Pres. Jejomar Binay ang ulat mula sa pamilya na humihingi ng $50,000 ransom ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan ni Ramos.
Bunsod nito, inatasan ni Binay ang DFA na i-locate ang kinaroroonan at tiyakin ang kaligtasan ni Ramos para na rin sa ikatatahimik umano ng isipan ng pamilya ng biktima.
Si Ramos ay dinukot umano, isang araw bago ang takdang pag-alis nito upang magbakasyon sa Dubai kung saan nagtatrabaho ang kanyang mga magulang.