MANILA, Philippines - Tuluyan nang ibinasura o hindi pinakinggan ng China ang huling apela ng Pilipinas na mabigyan ng commutation ang isang 35-anyos na Pinoy kaya inaasahang tuloy ang gagawing pagbitay ngayong araw.
Alas-10 ngayong umaga inaasahang isasagawa ang eksekusyon sa nasabing Pinoy matapos siyang iharap sa promulgasyon.
Bago ito, itinakdang iharap ang bibitaying Pinoy dakong alas-8 ng umaga sa kanyang apat na kaanak na nagtungo sa China upang mayakap at makita sa huling sandali bago isalang sa lethal injection.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, hindi na papayagan pa ang pamilya ng nasabing Pinoy na makita ito sa isasagawang pagbasa o promulgasyon sa korte at habang ipinapasok sa lethal injection chamber.
Mula kahapon hindi alam ng naturang Pinoy na siya ay bibitayin at ilang oras lamang bago ang eksekusyon ay saka lamang nito malalaman sa pagharap niya sa kanyang sorpresang mga bisita o kaanak at sa kasunod na pagbasa sa promulgasyon.
Sinabi ni Hernandez na una nang pinanindigan ng China na ‘final and executory’ ang desisyon ng Chinese High People’s Court o Supreme People’s Court hinggil sa hatol na bitay matapos na pagtibayin nito ang sentensya ng mababang korte.
Tanging milagro at dasal na lamang ang magsasalba sa nasabing Pinoy sa kamatayan.
Sa Sabado ay babalik sa Pilipinas ang 2 kapatid at 2 kaanak ng nabitay na tumungo sa China subalit hindi pa nila maisasama pauwi ang mga labi ng huli.
Sa sinusunod na batas ng China, posibleng abutin ng apat hanggang anim na araw bago payagang maiuwi ang bangkay ng binitay na Pinoy.
Noong Marso binitay din dahil sa drug trafficking ang tatlong Pinoy na sina Ramon Credo, 42; Sally Ordinario-Villanueva, 32 at Elizabeth Batain, 38.
Bunsod nito, sinabi ng DFA na bumaba ang bilang ng mga Pinoy na nasangkot sa drug trafficking sa China matapos na mabitay sina Credo, Villanueva at Batain kung saan dalawang kaso lamang ang pumasok ngayong taon sa nasabing bansa.