Dasal at milagro sa bibitaying Pinoy
MANILA, Philippines - Nag-alay ng misa ang mga simbahan sa buong bansa para hilingin sa Diyos na makaligtas sa bitay ang Pinoy na naitakdang i-lethal injection sa China sa Disyembre 8.
Bagaman hindi nawawalan ng pag-asa si Vice President Jejomar Binay kahit na pormal nang nagpahayag ang Chinese government na tuloy ang pagbitay sa 35-anyos na Pinoy, tanging milagro at dasal na lamang ang maaaring magawa upang mabago ang desisyon ng China.
Ang misa ay hiniling ni Binay sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para ipanalangin na pansinin ng China ang huling apela ng pamahalaan at lumambot sa paninindigan nito na ipataw na ang death penalty.
Nabatid sa Chinese Embassy na hindi pa rin tuluyang ibinabasura ng China ang kahilingan ng Pilipinas na makapunta si Binay sa Beijing upang makipag-usap sa mga top officials ng China at Chinese High People’s Court at iapela na mabigyan ng ‘commutation’ ang Pinoy mula sa bitay sa habambuhay na pagkabilanggo.
Ayon naman kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, inaasahan na ngayong Martes o Miyerkules ay makakalipad na ang apat na kapamilya ng nasabing Pinoy upang makausap at makapiling nila sa huling sandali ang kanilang mahal sa buhay.
Inatasan na rin ng Malacañang ang DFA na gawin ang lahat ng diplomatic means para mailigtas ang Pinoy.
“The Palace position is that we will exhaust all other diplomatic means available to us. The DFA will continue to ask officials of the Chinese embassy in Manila that we be allowed to send our appeal,” wika ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte kahapon matapos tanggihan ng China ang pagpunta ni Binay upang personal na iabot ang letter of appeal ni Pangulong Aquino kay Chinese President Hu Jintao.
Naninindigan pa rin ang China sa pagpapatupad ng kanilang batas lalo na sa drug trafficking na nirerespeto naman ng Pilipinas.
Hinatulan ng bitay ang Pinoy dahil sa pagpupuslit ng 1.495 kilong heroin habang papasok sa Guilin International Airport mula Kuala Lumpur, Malaysia noong Setyembre 2008. (Ellen Fernando/Rudy Andal)
- Latest
- Trending