Pinoy na bibitayin hindi na dapat tulungan kung totoong pusher - Sotto

MANILA, Philippines - Hindi na umano dapat pang mag-abala ang gobyerno kung totoong pusher o sangkot  sa drug trafficking ang Filipino na nakatakdang bitayin sa bansang China.

Ito ang sinabi kahapon ni Senate Majority Floor Leader Vicente “Tito” Sotto kaugnay sa bagong Pinoy na nahatulan ng parusang bitay.

Pero kung isa umanong OFW ang nasabing Pinoy ay dapat itong bigyan ng tulong ng gobyerno.

“Kung pusher talaga huwag na tayong mag-abala. Kung OFW, tulungan,” sabi ni Sotto.

Naniniwala naman si Senate President Juan Ponce Enrile na wala ng magagawa ang gobyerno para maisalba ang buhay ng nasabing Filipino.

Mahigpit aniya ang batas ng China kung saan ipinatutupad talaga ng gobyerno ang hatol ng korte.

Napaulat na noon pang 2008 naaresto ang nasabing Filipino na nahulihan umano ng nasa 1.495 kilo ng heroin.

Nauna ng sinabi ni Sotto na hindi na dapat tinutulu­ngan ng gobyerno ang mga Filipino na nagpapagamit sa mga sindikato ng ilegal na droga kapalit ang malaking halaga ng salapi.

Show comments