Transportasyon uunlad din sa Tampakan project

MANILA, Philippines - Naghahanda ang isang transport group na may mga miyembro mula sa South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City (Socsksargen) sa “napakalaking pag-unlad” sa pangangailangan sa pampublikong transportasyon kapag nagsimula ang panukalang Tampakan Copper-Gold Project.

“Alam namin na mas maraming mga tao, pro­dukto at serbisyo ang mangangailangan ng pampublikong transportasyon at kailangan naming maging handa,” pahayag ni Orlando Sabelita, pangulo ng Socsksargen Transport Federation na nakaangkla sa Public Transport Alliance of the Philippines (PTAP).

Sa dadalhing pag-unlad ng Tampakan, nilinaw ni Sabelita na panahon na upang magpaunlad ng plano para sa malawak na transportasyon sa Socsksargen.

Nilinaw din ni Sabelita na nakipag-ugnayan na ang kanilang grupo  sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 12 office para sa pagpaplano na dadaluhan ng iba’t ibang sector para sa komprehensibong plano sa transportasyon.

Nang tanungin kung may pag-aalinlangan ang kanilang grupo sa epekto sa kapaligiran ng Tampakan project ay nilinaw ni Sabelita na nagtitiwala sila sa mga sistema sa regulasyon na ipinatutupad ng industriya ng pagmimina.

“Naniniwala kami na may sapat na pamamahala sa kaligtasan at anumang panganib ang Sagittarius Mines, Inc. (SMI) na la­ging nakahanda at kagyat tutugon dahil kung wala ay hindi sila bibigyan ng permiso ng pambansang gobyerno para makapag-operate,” dagdag ni Sabelita.

Show comments