MANILA, Philippines - Naghahanda na sa kaniyang pagreretiro si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Oban Jr. matapos ang mahigit 30 taong serbisyo publiko.
Si Oban na ika-42nd Chief of Staff ay bababa sa puwesto sa Disyembre 12 o isang araw na maaga bago ang ika-56 nitong kaarawan na mandatory age retirement para sa mga opisyal at miyembro ng AFP.
Si Oban ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Matapat Class 1979 na itinuturing na ruling class sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino na sinusundan ng PMA Class 1981.
Ngayon pa lang ay maugong na ang pangalan ni AFP-Northern Luzon Command Chief Lt. Gen. Jesse Dellosa, mistah ni Oban para maging successor nito.
Kabilang pa sa mga contenders para humalili kay Oban sa puwesto ay dalawa pa nilang mistah sa PMA Class 1979 ang 3rd man ng AFP na sina Lt. Gen. Anthony Alcantara at Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama; AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Reynaldo Ferrer.
Bagaman kabilang rin sa mga contenders ang anim na heneral mula sa PMA Class 1978 kung saan adopted si dating Pangulong Gloria Arroyo ay nawala ang tsansa ng mga ito dahil bagaman propesyunal ang mga sundalo ay ayaw umano ni PNoy ng mga naging malapit sa dating administrasyon.