Spokesman ng Defense nagbitiw
MANILA, Philippines - Hindi raw nagustuhan ni Pangulong Aquino ang matatapang at kontrobersyal na pahayag sa media hinggil sa mga sensitibong isyu sa gobyerno kaya napilitang magbitiw sa tungkulin ang spokesman ng Department of National Defense.
Ayon mismo kay Atty. Zosimo Paredes, kinausap siya ni Defense Chief Secretary Voltaire Gazmin at sinabing hindi ikatutuwa ni PNoy ang kaniyang pahayag hinggil sa ‘revolutionary government’.
Ang insidente ay nag-ugat sa pahayag ni Paredes sa Rembrant Hotel forum kamakailan na kapag nasa balag ng alanganin ang seguridad ng bansa ay maaring magdeklara ng ‘revolutionary government’ ang Pangulo sa ilalim ng Saligang Batas.
“Sabi nya (Sec. Gazmin) hindi matutuwa si Presidente... at pinatawag ako tungkol dito, then you have to go…,” ani Paredes na kinumpirma kahapon na nagbitiw na siya sa puwesto kung saan nag-alsa balutan na siya noong Huwebes.
“I admitted my lapses, although I prepared my statement, because I can’t really disassociate myself from my position... it was an academic explanation , wala akong ini-insinuate, it was an explanation of what is in the provision of the Constitution”, ani Paredes na inamin ang kaniyang pagkakamali.
Inihayag naman ni Paredes na hindi dapat kaagad sinisibak ang mga spokesman lalo na at patungkol sa realidad ng buhay o pagiging makatotohanan lamang ang sinasabi ng mga ito tulad ng nangyari sa spokesman ng Philippine Army na si Col. Antonio Parlade na sinibak ni PNoy matapos nitong ihayag sa media na dapat maglunsad na ng ‘all out war’ sa mga piling teritoryo ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos na masangkot ang mga ito sa pananambang at pagkakapatay ng 19 sundalo habang 14 pa ang sugatan sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 18, 2011.
- Latest
- Trending