Ospital o kulungan lang kay Arroyo
MANILA, Philippines - Pinayuhan kahapon ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na isantabi na lang ang hirit nilang house arrest at sa halip ay igiiit ang hospital arrest o pagpapakulong sa isang detention facility.
Ginawa ni Escudero ang reaksiyon matapos hilingin ng abogado ni Arroyo na isailalim na sa house arrest ang dating pangulo dahil hindi na maselan ang kondisyon nito. Naniniwala si Escudero na posibleng mapagbigyan ang hirit ng mga abogado pero kung hospital arrest lang ito o detention facility.
Pero nasa kamay pa rin umano ni Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas kung papayagan na i-house arrest ang dating presidente.
Tutol naman si Sen. Panfilo Lacson na isailalim sa house arrest si Arroyo dahil magdudulot umano ito ng masamang senyales sa publiko dahil magkakaroon ng dalawang standards ang hustisya sa bansa.
Ayon kay Lacson, dalawa lamang ang maaaring paglagyan kay Arroyo at ito ay ospital ng gobyerno kung may sakit at detention facility kung magaling na siya.
Idinagdag pa nito na hindi pa rin nagbabago si Arroyo sa panloloko sa publiko na nabisto lamang na pagaling na sa kaniyang sakit matapos paharapin ng Pasay City Regional Trial Court ang kaniyang mga doktor.
Taliwas naman dito ang paniwala ni Sen. Tito Sotto na nagsabing hindi pa rin dapat husgahan si Arroyo hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa korte.
- Latest
- Trending