Judge sa kaso ni GMA... 'Nanganganib ako'
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng Pasay Regional Trial Court judge na may hawak sa kasong electoral sabotage laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo na dahil isang “high profile” case ang hinahawakan niya, nasa bingit ng panganib ang kanyang buhay.
Ayon kay RTC branch 112 Judge Jesus Mupas, nagtalaga ang Department of Interior and Local Government ng mga security personnel para bantayan siya habang dinidinig ang kaso laban kay Arroyo at iba pang inihabla sa kaso.
“Meron na akong kasama ngayon, di tulad ng dati. Nagbago ang routine ko ng konti. May mga kaibigan na tumatawag nagpapaalala na mag-ingat,” pagkukumpirma ni Mupas.
Sinabi rin ni Mupas na minabuti niyang hindi na manood ng balita sa telebisyon tungkol sa kaso dahil ayaw niyang makompromiso ang kanyang hatol.
“Parang gusto ko wag na lang manood para ‘di maimpluwensiyahan ng lumalabas sa media,” wika pa ng hukom.
Samantala, pormal nang hiniling sa korte ng mga kinatawan ng Department of Justice-Commission on Elections joint panel na magpaliwanag ang mga doktor ni Rep. Arroyo upang mabatid ang tunay na kalagayan ng katawan nito.
Naghain ang mga abogado ng joint panel ng “omnibus motion” sa sala ni Judge Mupas upang pagpaliwanagin sina Drs. Juliet Gopez-Cervantes, Mario Ver at Roberto Mirasol.
Layon ng mosyon na malaman kung totoo ang mga inihahayag sa media nina Atty. Raul Lambino sa antas ng kalusugan ng dating Pangulo. Matatandaan na sinabi ni Lambino na lumala umano ang sakit sa gulugod ng pasyente makaraang sumailalim sa MRI scan habang nakakaranas rin ito ng anorexia, hypertension at impeksyon sa sikmura kaya hirap kumain.
Dito umano maaaring pagbatayan ng korte kung ipapanatili pa si Arroyo sa “hospital arrest” o maililipat ng detention cell.
Sa komento rin na isinumite ng joint panel, sinabi nito na hindi sila tutol sa “house arrest” kay CGMA kung makakalabas na ito sa pagamutan.
Samantala, balak din ng Senate Blue Ribbon Committee na paharapin sa pagdinig ng Senado sa susunod na linggo ang mga doktor ni Arroyo upang matiyak ang totoong lagay nito.
Ayon kay Senator Teofisto Guingona, chairman ng komite, nagkataon lamang ang pagpapatawag sa mga doktor ni Arroyo dahil ipagpapatuloy na ang pagdinig sa sinasabing dayaan noong 2004 at 2007 elections kung saan isinasangkot ang dating presidente.
Dapat din umanong malinawan ang mga naunang sinabi ng mga doktor ni Arroyo na maari itong maka-recover sa anim hanggang walong buwan.
Nagtataka ang senador kung bakit ang mga abogado lamang ni Arroyo ang nagsasalita sa publiko at mistulang nanahimik na ang mga doktor nito. May ulat ni Malou Escudero
- Latest
- Trending