MANILA, Philippines - Humirit ulit ang kampo ni dating First Gentleman Mike Arroyo sa Korte Suprema na maglalabas ng temporary restraining order (TRO) kaugnay sa kinukuwestiyong legalidad ng DOJ-Comelec Investigating Committee upang mapawalang-saysay na rin ang lahat ng isinagawang proseso ng Comelec sa pagsasampa ng kasong electoral sabotage.
Sa 12 pahinang “Very Urgent Motion For Immediate Issuance of a Temporary Restraining Order and with Prayer for Immediate Resolution of the Petition”, nais ng dating Unang Ginoo, sa pamamagitan ni Atty. Ferdinand Topacio, na agad nang mag-isyu ang Mataas na Hukuman ng TRO laban sa kinukuwestyong komite.
Iginiit ni Topacio na iligal ang pagbuo ng fact finding team na nag-imbestiga sa sinasabing dayaan noong 2007 elections at nagrekomenda sa pagsasampa ng kasong electoral sabotage laban sa dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at 3 iba pa.
Kasabay nito, hiniling din ng abugado ng dating Unang Ginoo na ipawalang-saysay ang naging pasiya ng Comelec en banc na nag-apruba sa pagsasampa ng kaso sa Pasay Regional Trial Court (RTC) ng electoral sabotage noong Biyernes dahil ibinatay ito sa resulta ng imbestigasyon ng Joint DOJ-Comelec Committee, na kuwestiyunable pa ang legalidad.
Una nang sumaklolo ang SC sa mag-asawang Arroyo nang maglabas ito ng TRO laban sa watchlist order ng Bureau of Immigration sa utos ng DOJ.