Guinness susubukang sungkitin ng Pinas sa pamamagitan ng barya
MANILA, Philippines - Susubukang maabot ng Kabayanihan Foundation at Bangko Sentral ng Pilipinas ang Guinness World Record na hawak ng Estados Unidos sa larangan ng pahabaan ng linya ng nakalatag na mga barya na tatawaging “Barya ng mga Bayani”.
Ayon kay BSP Officer Club President Dr. Greg Suarez, sa Communication and News Exchange (CNEX) Forum sa Philippine Information Agency (PIA), ang proyektong ito ay hindi lamang upang matalo ang 68.5 kilometers na record ng US, ito ay isa ring paraan upang maipakita ang kahalagahan ng 25 sentimo na sa ngayon ay madalang nang gamitin sa sirkulasyon ng bansa.
Base kay Suarez, 70 kilometers ang target ng programa upang makamit ang natatanging record ng may pinakamahabang pila ng barya na gaganapin sa Quirino Grandstand sa darating na November 30 ng kasalukuyang taon.
Bagama’t may hindi magandang impresyon ang mga dayuhan sa Quirino Grandstand dahil sa Manila Hostage Crisis, isa umano itong paraan upang mapalitan ang pagtingin ng iba sa naturang lugar sa pamamagitan ng pagdaraos dito ng “Barya ng mga Bayani”.
Napiling gamitin ang 25? dahil ito lamang ang natatanging barya sa bansa na walang mukha ng bayani na nangangahulugang lahat ay maaring maging bayani kahit mga simpleng mamamayan sa pamamagitan ng pagdo-donate ng kanilang mga 25? sa BSP.
Ang kikitain sa naturang programa ay gagamitin upang makapagpatayo ng tatlong paaralan sa mapipiling lugar.
- Latest
- Trending