MANILA, Philippines - Umaabot umano sa 1,020 katao ang namamatay sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa dahil sa mga aksidenteng nagaganap na kinasasangkutang ng mga sasakyan.
Ito ang sinabi ni Elvira Medina, president ng National Center for Commuters Safety sa ginanap na Communication and News Exchange (CNEX) Forum na inorganisa ng Philippine Information Agency (PIA).
Nangunguna sa mga sasakyang palaging nasasangkot sa aksidente sa mga kalsada ay ang motorsiklo kaya’t napapanahon aniya ang pagpapatupad ng motorcycle lane sa kahabaan ng Macapagal at Commonwealth Avenues ng administrasyon ni Pangulong Aquino.
Base pa sa datos, lumalabas na 34 katao kada araw ang namamatay sa mga naturang aksidente.
Bunsod nito, pangungunahan ng kanilang ahensiya ang pagpapatupad ng “World Remembrance for Road Victims Programs” na isa sa panukala ng United Nations (UN) na naglalayong mapaalalahanan ang mga motorista ng kanilang responsibilidad sa pagmamaneho.
Sa naturang programa, iba’t-ibang aktibidades ang nakahanda para sa mga dadalo na gaganapin sa SM Mall of Asia concert grounds ngayong araw, November 20.