MANILA, Philippines - Hinikayat ni Cagayan Rep. Jack Enrile ang Department of Labour and Employment na bilisan ang pag-endorso nito sa isang pandaigdigang tratado na nagtataguyod sa pangangalaga sa mga kasambahay o katulong sa bahay sa bansa.
Sinabi ni Enrile na ang pag-endorso ng DOLE sa International Labor Organization (ILO) Convention No. 189 ay magpapasimula ng hudyat para maratipikahan ng Senado ang tratado.
Sinabi ng kongresista na malamang na tuluyag maratipikahan sa Senado ang tratado o kasunduan dahil naunang nagpahayag ng suporta rito si Senate Foreign Relations Committee Chairman Sen. Loren Legarda.
Sa naturang tratado ay binibigyan ang mga kasambahay ng protekssyon at inoobligahan ang mga lalagdang bansa na magsagawa ng mga paraan para magkaroon ng disenteng trabaho ang mga kasambahay.
Kabilang dito ang pagtataguyod at pangangalaga sa mga karapatan ng mga kasambahay, epektibong proteksyon laban sa lahat ng anyo ng abuso, panggigipit at karahasan, at parehas na probisyon sa pamamasukan at disenteng kundisyon ng pamumuhay ng kasambahay.
Sinabi pa ni Enrile na ang mabilis na ratipikasyon ng Convention 189 ay magbabalido sa hangarin ng pamahalaan na ibsan ang kalagayan ng sektor na ito “kaya nga inaasahan natin na kikilos nang mabilis ang DOLE sa usaping ito at isumite ito para sa endorso.”
Dapat anyang trabahuhin na maging kauna-unahan ang Pilipinas sa mga bansang raratipika sa ILO Convention 189 bilang pagkilala sa mga sakripisyo at kontribusyon ng mga kasambahay.
Si Enrile ang pangunahing awtor ng House Bill 553 o the Magna Carta for Domestic Workers na kasalukuyang nakabimbin sa House of Representatives.