12,500 nurse, midwife kailangan ng DOH
MANILA, Philippines - Nasa 11,500 pang nurse at 1,000 na midwife ang kailangan ng Department of Health (DOH) para ipadala sa mga lalawigan, para sa 2nd Batch ng Registered Nurses for Health Enhancement and Local Service (RNheals II) at Rural Health Midwives (RHM) Placement Program nito.
Isang taong tatagal ang deployment at sa loob ng panahong ito ay dadaan sila sa learning at development training kaugnay sa clinical at public health.
Tatanggap ng monthly allowance na P8,000 ang nurses at P6,000 para sa mga midwives, pagkakalooban ng PhilHealth Insurance at GSIS Group Accident Insurance habang ang ospital kung saan sila maitatalaga ang sasagot sa pagkain nila habang naka-duty.
Tiniyak rin ng DOH na ang mga nurse at midwives na nakatalaga sa Rural Health Units ay may additional assistance tulad ng lodging at meals mula sa Local Government Units, batay sa isinasaad sa Joint Memorandum Circular No. 2011-0044 sa pagitan ng DILG, DOH at DSWD.
Mabibigyan din sila ng Certificates of Completion kung makumpleto ang serbisyo sa nasabing programa at ikukonsidera para sa ‘priority employment’ sa mga government health facilities sakaling magkaroon ng bakanteng posisyon.
Ang mga interesadong lisensiyado ng Professional Regulatory Commission (PRC) ay maaaring magsumite ng resume sa mga DOH hospitals at DOH Centers for Health Development sa kanilang lugar.
- Latest
- Trending