'Daang matuwid' ni PNoy, sablay sa LTO?
MANILA, Philippines - Tila sumablay umano ang “Daang Matuwid” ni Pangulong Noynoy Aquino sa Land Transportation Office (LTO).
Sa 5-pahinang reklamo ng mga concerned employees ng LTO, sinabi ng mga ito na habang nananatiling malaki ang tiwala ni Pangulong Aquino kay LTO Chief Virgie Torres, hindi naman umano nagiging epektibo ang huli sa pagkakaroon ng reporma at programa sa ahensiya.
Kinuwestiyon ng LTO employees na sa unang linggo pa lamang ni Torres sa posisyon ay naitalaga na agad nito si Internal Auditor Menelia Mortel bilang Head Executive Assistant at makaraan ang ilang buwan ay ginawang Operations Chief ng LTO at chairman ng Bids and Awards Committee na bawal umano sa batas dahil sa conflict of interest o pagkakaroon ng maraming posisyon.
Inisnab lamang umano ni Torres ang panawagan ng mga empleyado na isang posisyon lamang ang dapat nitong ipagkaloob kay Mortel.
Si Mortel ay malapit na kaibigan ni Torres noong ang huli ay nasa LTO-Tarlac pa.
Nangangamba ang mga empleyado na magamit ni Mortel ang madami nitong posisyon sa LTO dahil sa ulat na pagkakaloob umano nito ng authorization sa lahat ng aplikasyon ng Private Emission Testing Centre (PETC) kapalit daw ng halaga, gayundin ang pagbibigay ng “protection” sa mga PETC para magsagawa ng non-appearance testing at iba pa.
Giit ng LTO employees, agad imbestigahan ang sumingaw na anomalya kasabay ng hiling kay Pangulong Aquino na ilagay si Torres sa hindi masyadong sensitibong posisyon sa DOTC tulad ng undersecretary.
- Latest
- Trending