Rice shortage nakaamba?
MANILA, Philippines - Tahasang kinontra ng isang opisyal ng Department of Agriculture ang pagtaya ng administrasyong Aquino na hindi lang sapat kundi sobra-sobra ang supply ng bigas sa bansa sa kabila ng mga nakaraang mapanalantang bagyo.
Ayon sa isang career officer ng DA na humiling huwag ibunyag ang pangalan, posibleng magkakaroon ng kakulangan ng bigas sa papasok na taon.
Nauna rito, nagbigay ng katiyakan si Agriculture Secretary Proceso Alcala na sa kabila ng mga bagyong Pedring at Quiel at habang papalapit ang tag-ani sa Hilaga at Gitnang Luzon, hindi magdaranas ng rice shortage ang bansa.
Hindi umano malaman ng naturang opisyal kung saan hinugot ni Alcala ang mga datos sa rice sufficiency.
Aniya “kahit noong panahon ng Masagana 99 sa pamumuno ni Marcos, hindi tumataas ng napakalaki ng ating ani ng palay.
“Halos 10 porsyentong pagtaas ng ani ang ini-report ni Sec. Alcala kay Pangulong Aquino. E maski nung panahon ni Marcos, pinakamalaki na ang 7 porsyento na taas ng ani bawa’t taon sa Masagana 99, kung saan may pautang, mga binhi at abono na ipinamumudmod sa mga magsasaka. Kaya’t talagang hindi kapani-paniwala ang ganito kalaking ani, lalo na at binagyo pa,” paliwanag ng opisyal.
Higit sa 3 dekada nang taun-taon ay umaangkat ng bigas ang bansa, dala ng hindi sumasapat ang aning palay para sa patuloy na dumaraming populasyon. Kaya’t marami ang nagulat sa anunsyong hindi tayo magi-import ng bigas.
“Malaki ang problema kapag sablay ang datos ng produksyon, pagka’t hindi handa ang pamahalaan sa pag-angkat ng kakulangan”, wika ng beteranong opisyal na nasa DA na mula pa noong panahon ni Pangulong Cory Aquino.
“Sisipa ang presyo ng bigas, dahil tulad nang lahat ng paninda, law of supply and demand ang mananaig sa pamilihan. Kawawa ang mga mahihirap, na muling pipila para sa isa o dalawang kilo ng bigas,” sabi pa ng opisyal.
- Latest
- Trending