DepEd 'on time' na
MANILA, Philippines - Nais ng Department of Education (DepEd) na mapalitan na ang nakaugaliang konsepto na ‘Filipino time’ sa bansa, na nangangahulugang ‘late’ at mapalitan ito ng pagiging ‘on time.’
Sa DepEd Order Number 86, series of 2011 na “Synchronizing with the Philippine Standard Time” na ipinalabas ni Education Secretary Armin Luistro, inatasan nito ang lahat ng school officials sa buong bansa na magkaisa sa paggamit ng Philippine Standard Time (PST) upang lahat ng school-based activities ay maisagawa ng sabay-sabay.
Ayon kay Luistro, ito ay isang mahalagang hakbang dahil makadaragdag ito sa ‘work efficiency,’ mas maayos na ‘time management’ at matuturuan pa ang lahat na palaging maging ‘on time,’ sa halip na mapagsabihang ‘Filipino time.’
Para mapagsabay-sabay ang mga aktibidad ng DepEd mula sa central office hanggang sa school level, lahat ng tanggapan ay inaatasang i-set ang kanilang mga orasan sa kanilang mga tanggapan at mga school properties kabilang ang time recording devices, batay sa PST na itinatakda ng Department of Science and Technology (DOST) sa pamamagitan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ang PAGASA ay binigyan ng mandato sa ilalim ng Section 6 ng Batas Pambansa Blg. 8 na maging ‘official time keeper’ ng bansa.
- Latest
- Trending