Puerto Princesa Underground River pasok sa 7 Wonders
MANILA, Philippines - Pasok na sa New Seven Wonders of the World ang Puerto Princesa Underground River (PPUR).
Bagaman at “provisional winners” pa lamang ang inihayag ni Bernard Weber, Founder-President ng New7Wonders kung saan kabilang ang PPUR, sinabi ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte na binabati na nila ang lahat ng mga Filipino na nakiisa at bumoto para mapabilang ang PPUR.
Binasa kahapon ni Valte sa Radyo ng Bayan ang pahayag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda tungkol sa pagkakasama ng PPUR sa bagong Wonders of the World.
“While the final results will be announced in 2012 we congratulate everyone especially our people who made this all possible. With this we sincerely hope the rest of the world will stand up and notice the majesty not just of the UR but the rest of the Philippines,” nakasaad sa statement na binasa ni Valte.
Ang resulta ng botohan ay nakatakda pa ring sumailalim sa validation kung saan ihahayag ang pinal na mga nanalo sa unang bahagi ng 2012.
Kaugnay nito, pinayuhan ng Malacañang ang lahat ng mga bumoto at nag-text pa sa PPUR na huwag burahin ang kanilang text votes hangga’t hindi natatapos ang validation.
SInabi ni Valte na nakarating sa kanila ang ulat na maraming mga nag-text para sa PPUR ang hindi nakatanggap ng kumpirmasyon.
Balak din umano ng Malacañang na berepikahin ng Palasyo sa organizers ng text votes kung ang dahilan kaya hindi sila nakatanggap ng kumpirmasyon ay dahil lamang sa napakaraming nag-text lalo na noong pasara na ang botohan.
“Itatanong natin sa organizers and administrators. May nagsabi na sa influx ng text messages di naka-send,” sabi ni Valte.
Bukod sa PPUR kabilang din sa nanalo ang Amazon, Halong Bay, Iguazu Falls, Jeju Island, Komodo at Table Mountain.
Magugunita na mismong si Pangulong Aquino ang nanawagan sa mga mamamayan na iboto ang PPUR.
- Latest
- Trending